City of Manila office hours: Monday to Friday 8:00 am to 5:00 pm
City of Manila logo
  • About
  • Executive Orders & Legislation
  • COVID-19: Overview
  • Programs
  • Newsroom
  • Gallery
  • Help Manila
  • Contact

Features

Agos ng ayuda, hatid ni Kapitana

April 25, 2020

|

By: Jannah Turingan and Angel Santiago, Manila PIO

Share Overview

Isang hindi nakikitang kalaban ang kinakaharap ngayon ng bansa. Walang pinipiling biktima, walang tinitignang estado ng pamumuhay. Sa krisis na dulot ng paglaganap ng coronavirus disease o COVID-19, maliban sa takot na hatid nito sa ating kalusugan, nangangamba rin ang karamihan kung anong ilalagay sa kanilang kalamnan. Kung isasara ang mga negosyo, kung mawawalan ng mga trabaho, paano kakain ang isang ordinaryong Pilipino?

Quotation

Sa aming maliit na kaparaanan, sana natugunan ko po ang inyong pangangailangan. Ang hiling ko lang ay wag na po tayong lumabas kung hindi naman po kailangan. Sana, kahit sa ganitong paraan ay napasaya ko po kayo.

Chairman Evelyn de Guzman, Barangay 451

Ngunit, hindi ito alintana ng mga residente ng Barangay 451 ng Sampaloc dahil tinitiyak ni Chairman Evelyn de Guzman na ang pangangailangan ng kanyang mga nasasakupan ay kanilang matutugunan sa pamamagitan ng #BarangayBayanihan.

Nangunguna ang distrito ng Sampaloc sa may pinakamaraming positibong kaso ng COVID-19 sa Lungsod ng Maynila kung kaya't gumawa ng paraan ang Brgy. 451 upang maiwasan ang paglabas ng kanilang mga residente.

Isa sa mga hakbang na kanilang naisip ay ang paghahatid ng kumpletong sangkap na kakailanganin para makagawa ng isang putaheng mapagsasaluhan ng buong pamilya.

"Yung mga naiipon po natin (donasyon), pinagsasama-sama po natin tapos mag-iisip kami kung ano bang pwede naming ibigay sa araw na 'yun. Iniisip ko, 'pag may binigay kami, lahat ibibigay na namin miski maliliit na bagay tulad ng mantika, panggisa. Para hindi na nila maisipang lumabas." paliwanag niya.

Sa mga nakalipas na araw, nakapaghatid ng iba't-ibang klaseng almusal, pananghalian at merienda sina Ch. de Guzman gaya ng ginataang gulay, sinigang na baboy, at marami pang iba. Hindi rin nakaligtaan ng mga opisyales ang ating mga kapatid na Muslim na hainan ng ibang putahe na maaari nilang kainin.

Humigit-kumulang 380 na pamilya ang nasa ilalim ng Brgy. 451. Bawat isa ay nakikinabang sa bawat agos ng ayuda na kanilang inihahanda.

Malaki ang pasasalamat ni Ch. de Guzman sa kanyang mga kabaranggay sa kanilang kooperasyon. Dahil sa disiplina ng kanyang mga nasasakupan, nananatiling ligtas ang kanilang mga residente laban sa sakit, at patuloy ang pagbabahagi ng handog na ayuda para sa lahat.

Sa oras na marinig na ang anunsyo sa trompa, handa na ang mga silya sa labas ng kanilang tahanan na s'yang pagpapatungan ng biyaya mula sa barangay. Kapalit ng disiplina ay ang katiyakang may maihahain sa hapag sa araw na iyon.

Sa kasalukuyan, nasa ika-18 wave na ng ayuda ang naipapamahagi sa Barangay 451. Bukod pa rito ang tulong na galing sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila.

Walang tigil pa rin ang pangangalap ng mga donasyon, at paglalabas maging sa sariling bulsa ng kanilang mga opisyales upang mabahagian ang lahat—pipiliting akapin ang bawat isa, walang maiiwan.

"Sa aming maliit na kaparaanan, sana natugunan ko po ang inyong pangangailangan. Ang hiling ko lang ay wag na po tayong lumabas kung hindi naman po kailangan. Sana, kahit sa ganitong paraan ay napasaya ko po kayo." aniya.

Walang kasiguraduhan kung kailan matutuldukan ang epidemyang lumalaganap sa ating bansa. Ngunit, nakatitiyak ang mga residente ng Brgy. 451 na sa kabila ng malalaking hampas ng alon ng banta COVID-19, mayroong Kapitana na patuloy na magdadala ng agos ng pag-asa.

Tags:

Health

Public Safety

Public Service

COVID-19

Relief Efforts

Latest Stories

blue line
Post Image Header
Manila gears up for rainy season, buys new rescue boats

June 25, 2020


Welcome to my website.
Together, we can make Manila vibrant again.
Bangon, Maynila!

mayor signature

Services

City Government

Manila City Hall
Padre Burgos Avenue, Ermita
Manila City 1000
8527-0972
Monday - Friday: 8:00 am - 5:00 pm
Copyright © 2020 City of Manila. All Rights Reserved